dito unang
nakaduyan
ang malamyos na amihan,
nakaniig
ang ilap na mga pipit,
nagtumiim:
ang bitui'y aabutin...
pagkat noon:
lilim itong habihan ko ng pangarap
bawat oras,
(at sa sangang nakadangway, paglambitin,
ang daigdig na tanaw ko'y parang akin!)
silungan ko sa maghapong paghihintay
--at pag-asam--
sa bulaklak ng karimlan...
noon, dito.
nagtaglagas:
mga daho'y nagkalaglag--
nagtag-araw:
mga sanga'y nagkabangal--
at, tag-ulan:
ang bituing dati-rati'y nakasilip
sa siwang ng mga dahong humihimig,
bituin ding walang ningning, di mamasid
sa ulap ng panimdim kong nakapiit!
aanhin ko ang bituin--?
kung may tampo ang amihan...
kung ang pipit, di dadalaw
...kahit kailan!